Posted on

BF-GF

“Mahal mo pa ba ako?”

 

Ang kulit. Ilang beses ko nang itinatanong yan sa’yo kahit na alam ko naman na isa lang ang sagot mo. Minsan alam ko na naaasar ka na. Hindi naman sa meron akong trust issues, ganito lang siguro kaming mga babae. Kailangan namin ng constant assurance ng pagmamahal.

 

“Trish, ayan ka na naman. Mag-aaway na naman ba tayo?” Asar mong tanong. Marahan mong sinalya ang manibela ng pula mong Vios. Bumuntong hininga ako. Bakit ba hindi makuha ng mga lalake na gusto lang namin ng lambing? Di tulad ng ibang mga babae, hindi ako isang tanong, isang sagot. Isang tanong, tatlong sagot ang gusto ko. (Pwede ring mas marami pa sa tatlo.) Mahirap ba sabihin na “Oo, mahal kita. Mahal na mahal. Mas mahal kita ngayon kaysa noon.”?

 

“Oo o hindi lang naman ang sasabihin mo eh.” Matabang kong sagot.

 

“Sa isanlibong beses mong itinanong yan, iisa lang ang sagot ko. OO. May kailangan pa ba akong patunayan?” Panunumbat mong tanong.

 

Frustrated ka na, pero mahinahon ka pa rin—isa sa mga maraming bagay na gusto ko sa’yo. Tila mas mahaba ata ang EDSA ngayon, o ilusyon ko lang sa kagustuhan na humaba pa ang usapang ito?

 

“Hindi sa nanunumbat ako. Pero alam mong araw-araw kong pinapatunayan sa’yo kung gaano kita kamahal. Minsan naiisip ko, I was never good enough for you. Why do I always have to prove myself, Trish?” Malungkot mong tanong sabay lingon sa akin.

 

“Ang daan. Huwag mo ‘kong tingnan.” Matipid kong sabi. Kahit sisenta lang ang takbo mo, mas gugustuhin ko na ang kalsada na lang ang tingnan mo. Hindi ko maatim na tumingin ng derecho sa’yo.

Bakit nga ba ako nagdududa kung mahal mo pa ako? Sa loob ng pitong taon, ni minsan hindi ko naramdaman na iba ka na. Ang siste lang, mabait ka nga, di mo naman ako inaaya ng kasal. Malapit na akong kumunat, kahit singsing galing Silverworks wala akong natatanggap. Hindi pa ako ready, pero madalas sumasagi sa isip ko kung bakit hindi ka pa nagpo-propose.

 

Gusto kong marinig mo ang bawat salitang tumatakbo sa isip ko. Pero heto ako ngayon, nakatingin sa kahabaan ng daan, tikom ang bibig. Ang cool ko ‘no? Parang wala lang. Ang galing ko talaga mag pretend na kaya kong dalhin ang bawat sitwasyon. Ako na.

 

“Saan mo gustong kumain?” Binasag ng luma mong tanong ang katahimikan sa loob ng sasakyang ito. Sana next time, ikaw naman ang mag decide kung saan. Laging ako na lang ang nag-iisip. Memorized ko na ang menu ng Jollibee, Chowking, McDo, at kung anu-ano pang resto na nakatayo mula Taft hanggang North Avenue. Bayad mo, isip ko. Dudukot ka lang sa bulsa, ako, mag-iisip pa kung anong kakainin, kung take out ba o dine in, kung upsized ang drinks o hindi, kung o-order ng dessert o hindi. Sa totoo lang, mas gugustuhin kong ako na lang ang magbayad, huwag mo lang ako paisipin ng ganito.

 

“Kahit saan.” Sagot ko.

427248_540605369295036_260023627_n

“Ikaw, meron ka bang gusto?” Pilit mong tanong. Wow. Di mo talaga gets.

 

“Gusto kong mag break na tayo.” Simple kong sagot. Madalas kong tinatanong sa’yo kung mahal mo pa ba ako. Ako kasi, hindi na.

 

“Kain na lang tayo sa paborito mo.” Sabi mo sabay ngiti. Isang mapait na ngiti na kinasanayan ko nang makita.

 

Tumahimik lang ako. Pumikit para umidlip. Sana mahaba ang byahe sa EDSA. Baka sakaling sa pag-gising ko, mahal na uli kita.

 

 

About ljtakashi

It's really hard to define one's self, right?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s